Ang layunin ng pag-aaral na ito ay patungkol sa pakikihamok ng mga BSED Filipino pre-service teachers sa pagbabalik ng in-person na practicum. Ito ay partikular na tutuklas sa mga hamon na kinakaharap ng mga BSED-Filipino pre-service teachers, ang mekanismo ng pagharap na kanilang ginagamit, at pananaw kung paano tutulungan ang mga praktikumers sa suliranin. Saklaw ng pananaliksik na ito ang mga karanasan ng labing-apat (14) na mga BSED Filipino pre-service teachers sa mga pampublikong paaralan ng kolehiyo na matatagpuan sa Davao del Norte at Davao de Oro sa taong panuruan 2023-2024. Ang mga nasuring pahayag na mula sa tugon ng mga partisipante tungkol sa naranasang mga hamon ay ang mga sumusunod na tema: pangangamba sa harapang pagtuturo; mahirap na pangangasiwa sa silid-aralan; suliranin sa pamamahala ng oras; kakulangan sa kahandaan para sa agarang pagbabalik ng in-person practicum; at problema sa pinansyal na aspeto. Tungkol naman sa pamamaraan nila sa pagharap ng mga nasabing hamon, lumabas ang mga sumusunod na tema: pagkakaroon ng matibay na support system; pagpapanatili ng positibong pananaw sa pagtuturo; pagganyak sa interes ng mga mag-aaral; at pagpapanatili ng pasensya bilang practicumer. Tungkol naman sa kanilang mga pananaw sa in-person practicum, lumutang ang mga sumusunod na tema: in-person practicum bilang isang makabuluhang karanasan; in-person practicum bilang mapaghamong karanasan; at isang multi-task na propesyon. Magiging kapaki-pakinabang ang pag-aaral na ito sapagkat ito ay nagbibigay ng malalim na pag-unawa sa mga hamon at oportunidad na kinakaharap ng mga guro sa kasalukuyang panahon, lalo na sa konteksto ng pagbabago sa sistema ng edukasyon. Sa pamamagitan nito, nakapagbibigay ito ng mahahalagang kabatiran at rekomendasyon upang mapahusay ang kasanayan at kahandaan ng mga guro, na siyang susi sa pagtataguyod ng de-kalidad na edukasyon para sa lahat.
MGA SUSING SALITA: in-person practicum, BSED Filipino, pre-service teachers, harapang pagtuturo, mga mag-aaral, probinsya ng Davao del Norte, probinsya ng Davao de Oro