Ang pananaliksik na ito ay isinagawa upang masuri ang bisa ng mga awiting pambata sa pagpapalawak ng kaalaman at kasanayan ng mga mag-aaral sa asignaturang Filipino sa Surigao. Tinatampok din sa pag-aaral na ito ang mga awiting pambata na karaniwang ginagamit ng mga guro sa pagtuturo ng Filipino sa antas ng elementarya, pati na rin ang mga hamon at potensyal na benepisyo ng kanilang integrasyon sa kurikulum. Gamit ang disenyong qualitative-descriptive, kinapanayam ang labing-dalawang guro sa unang baitang mula sa iba't ibang paaralan sa Distrito ng Anao-aon, Bayan ng San Francisco, taong panuruan 2023-2024.
Lumabas sa pag-aaral na ang mga awiting pambata tulad ng Alpabetong Filipino, Paa Tuhod Balikat Ulo, at Tong Tong Tong at ibp ay karaniwang ginagamit sa mga klase at napatunayang epektibo sa pagpapalawak ng kaalaman at pagpapasigla ng interes ng mga mag-aaral sa Filipino. Napatunayan din na ang paggamit ng mga awiting ito ay nagpapalakas ng pag-unawa at pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa sariling wika at kultura. Ipinakita ng mga guro ang kanilang suporta sa paggamit ng mga awiting pambata bilang isang mabisang estratehiya sa pagtuturo, subalit nangangailangan pa rin ng karagdagang pagsasanay at suporta upang mapalakas ang paggamit ng mga ito sa edukasyon.
Ang mga resulta ng pananaliksik na ito ay maaaring magsilbing batayan para sa pagpapabuti ng mga pamamaraan sa pagtuturo ng Filipino, partikular sa mas epektibong paggamit ng mga awiting pambata bilang isang estratehiya sa pagtuturo. Ang mga konklusyon at rekomendasyon na nakuha mula sa pag-aaral ay maaaring maging gabay para sa mga guro at mga tagapamahala ng paaralan sa pagbuo ng mas makabagong at angkop na mga kurikulum